Blog Action Day 2009: Climate Change

Napapansin mo na ba ang mga pagbabago sa kapaligiran mo? Kung hindi, please check.

Ako ay nakikiisa sa lahat ng bloggers sa buong mundo at narito sa loob ng mga monitor ninyo upang sabihin sa inyo ang saloobin ko sa mga nangyayari sa kalikasan natin. Alam kong hindi na lingid sa inyo ang mga ginawa sa atin nina Ondoy at Pepeng. Pero naiintindihan rin ba natin kung ano ang itinuro nila? O wala lang tayong ginagawa kung hindi murahin sila habang palayo sila sa bansa natin?

Maraming buhay ang nautas dahil sa marahas na pagguho ng mga bundok. Maraming ari-arian ang nawasak dahil sa pagtaas ng tubig na umabot sa ating mga kalsada at tahanan. Maraming tao ang nagkakasakit ngayon ng leptospirosis, cholera at dengue dahil sa mga tubig baha na hanggang ngayon ay hindi pa rin bumababa sa ilang mga lugar.

Huwag na muna nating sisihin yung mga nasa pamahalaan. Huwag na muna nating sisihin yung nagpalabas diumano ng tubig mula sa mga dam na naging sanhi ng biglaang pagtaas ng tubig sa ilang lugar. Huwag na muna nating sisihin ang ibang tao para sa kasalanang lahat naman tayo ay mag gawa. Naisip mo na ba na kahit papaano ay may nagawa ka rin para masira ang kalikasang tinitirhan mo?

Saan mo tinatapon ang mga plastic na pinagbalutan mo ng candy at pagkain galing fastfood pagkatapos kainin? Saan mo tinatapon ang ticket ng bus kapag nakababa ka na? Saan mo tinatapon ang mga filter ng sigarilyo matapos mong hithitin at ibuga sa mga taong hindi naman naninigarilyo na akala mo e parang manok na panabong lang?

Kung lahat tayo may disiplina sa ating mga sarili naiwasan sana natin ang trahedyang ito. Huwag kang magagalit sa akin kung tingin mo e hinuhusgahan kita. Maging ako ay guilty rin. Pero kung lahat tayo magtuturuan para lang makaiwas sa paninisi ng ating mga konsyensya, ano na lang ang mangyayari sa atin? Kung palagi nating sasabihing “Bakit ako? Bakit, ikaw ba?” kailan pa natin magagawang solusyunan ang mga problemang kung tutuusin ay kaytagal nang umiiral?

Sa bansang Venice, bawat taon, tumataas ang tubig nila ng walong pulgada. Kung ihahambing ang mga paintings noong araw sa mga actual na lugar, makikita mo ang pagkakaiba. Yung mga pinto na dati ay pagkatayug-tayog, ngayon para na lang arko at maabot mo na ang pinakataas nitong bahagi. Yung mga bintana noon sa matataas na lugar, ngayon pinto na. Ang ginagawa ngayon ng pamahalaan ng Venice at pinapataasan nila ang mga bangketa at kalsada para makaiwas sa patuloy na pagtaas ng tubig. Ngunit inaamin nila mismo na by the time na matapos nilang pataasan ang mga kalsada at bangketa nila, baka mataas na uli ang tubig. Kung gagawin nila ito sa susunod na dalawang dekada, baka mahahalikan na nila ang langit na puno ng usok ng mga sasakyan at pabrika.

Maaaring hindi natin maramdaman sa ngayon ang magiging epekto ng Global Warming (or warning, if you will), pero magiging makasarili ba tayo at hahayaan na lang nating ang mga anak natin at susunod pang henerasyon ang mamroblema sa resulta ng mga pinaggagagawa natin? Ito ba ang mundong ipapamana natin sa kanila?

Kung tutuusin hindi naman natin kailangan ng malalaking pondo para lutasin ang problema. Yung plastic ng candy na kinain mo o kaya yung ticket ng bus, ibulsa mo na lang muna at saka mo na lang itapon sa basurahan kapag nakakita ka. Kung pwede nga, wag ka nang maging plastic, este, magplastic. Kasi ang plastic, kahit ilang daang taon mo pang ibaon sa lupa yan, hindi yan mabubulok. Yung mga naninigarilyo, itapon rin sa dapat pagtapunan yung mga filter ng sigarilyo ninyo. At itong mga “dapat pagtapunan” na ito ay hindi yung mga bangketa o flower pot. Basurahan po. Kung pwede rin, tigilan na ninyo ang paninigarilyo, unless kaya ninyong pigilan na wag lumabas sa mga baga ninyo yung mga usok na balak ninyong ibuga.

Ngayon maraming tao ang nasiraan ng mga kasangkapan sa bahay, at balak na bumili ng bago. Ito na ang pagkakataon ninyo. Bumili ng mga refrigerator na hindi nag-eemit ng Chlorofluorocarbons o CFC na siyang nakakasira sa Ozone Layer natin. Doon lang makakatulong ka na! Akalain mo?!

Huwag mong isipin na maliit na bagay lang ang pinagagawa sa iyo. Kasi kung lahat tayo, gagawin iyan, malaki na ang impact niyan para sa kalikasan. Kung 80 million sa atin ang kumakain ng 800 million candies araw-araw, at kung magiging disiplinado ang 80 million na yun, yung balat ng 800 million candies hindi magbabara sa mga kanal natin. You do the math.

Huwag na nating ipagpabukas pa ang pagbabago para sa kalikasan. Ngayon mo na gawin! At least dito, hindi mo na kailangan pang maghintay na dumating ang eleksyon.

Kung may blog ka, makiisa sa pagpapakalat ng awareness para tulungan ang Inang Kalikasan. Punta na sa BlogActionDay.org para sa detalye.

O, wag mong ikatwiran na Twitter lang ang meron ka. Hindi ka excused.

1 Response to “Blog Action Day 2009: Climate Change”


Comments are currently closed.
blog comments powered by Disqus

About

Welcome to the personal blog of Derek, a mere Homo Sapien, who loves rainy days and writing. His blog is all about his thoughts and adventures in life.

Read More »